6 NPA rebels nasakote

Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng PNP at ng AFP ang itinuturing na No.2 man ng New Peoples Army (NPA) at lima nitong tauhan sa isinagawang operasyon kahapon sa Barangay Dalop, Bago City, Negros Occidental.

Nakilala ang nahuling pangalawang mataas na opisyal ng komunistang rebelde na si Jessie Lipura, na aktibong kumikilos sa nasabing lalawigan at iba pang karatig lugar.

Base sa rekord ng militar, si Lipura ang tinaguriang assistant number 1 official ng CPP-NPA sa ilalim ng pamumuno ni rebel priest Father Frank Fernandez.

Kasama rin sa nadakip ang limang tauhan nito na sina Mervie Aboso, alyas Ka Liwain, Charlito Abueva, Menardo Sayosa, Manuel Hernais at Frederick Coyos.

Batay sa inisyal na ulat, isang operasyon ang isinagawa ng mga kagawad ng pulisya at militar sa Barangay Dalop, Bago City kahapon ng umaga matapos na makumpirmang positibo ang report hinggil sa madalas na pagpupulong sa nasabing lugar ng grupo ni Lipura.

Kasalukuyang nakaditene sa headquarters ng militar sa Negros Occidental ang mga nahuling rebelde upang isalang sa masusing interogasyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments