San Mateo landfill gagawing National Park

ANTIPOLO CITY – Matapos ang tuluyang pagsasara ng San Mateo landfill, nagpahayag ang lokal na pamahalaan ng lalawigan nang balaking rehabilitasyon nito, kung saan isang plano ang isasagawa upang gawing isang national park ang naturang lugar kasabay ng pagbibigay ng trabaho sa mga basurerong nawalan ng trabaho.

Sinabi ni Rizal Gov. Casimiro Ynares na isang pag-aaral ang kanilang isinasagawa upang linisin ang naturang lugar at maglaan ng pondo upang pagandahin ito at maging isang parke.

Ito umano ay dahil sa pagiging malapit nito sa isang watershed sa La Mesa dam upang maiwasang tuluyang tumagas ang katas ng mga basurang naimbak dito sa ilalim ng lupa.

Sinabi naman ni Atty. Gilbert Lauengco, city administrator ng lunsod ng Antipolo na posible ang naturang balak ngunit nangangailangan pa ito ng malaking pondo.

Ayon pa kay Lauengco, nakatutok umano ang kanilang atensyon sa pagbibigay ng bagong kabuhayan sa higit na 500 mga basurero na nawalan ng kabuhayan sa pagsasara ng landfill.

Kasalukuyan umanong nagsasagawa ng mga seminars ang Cooperative and Livelihood Division sa mga residente ng Sitio Lintong Bocaue, tulad ng mga handicrafts at pananahi upang maging alternatibong pagkakakitaan ng mga nawalan ng trabahong mga basurero. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments