Jeep vs tren: 1 patay, 6 sugatan

CALAMBA, LAGUNA – Isang 60-anyos na lalaki ang iniulat na nasawi, habang ang anim na kamag-anak nito ang malubhang nasugatan makaraang ang sinasakyan ng mga ito na isang pampasaherong jeep ay bumangga sa isang tren sa kahabaan ng riles ng Barangay Parian, kahapon ng umaga. Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang pangalan ng nasawing driver na idineklarang dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng malakas na pagkabangga ng tren sa harap ng kanilang sinasakyang jeep na may plakang DAG-622. Sugatan din ang anim nitong kamag-anak na kasalukuyang ginagamot sa Saint John Hospital, Parian. Sa sketchy report ng Calamba Police Station, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga, kahapon habang ang biktima kasama ang pamilya nito ay lulan ng kanilang sinasakyang jeep patungong Calamba para magsimba sa Barangay Parian. Pagsapit ng kanilang sasakyan sa may riles ay bigla na lamang sumulpot ang rumaragasang tren na tuluyang bumangga at kumaladkad sa kanila. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments