Nagtalo sa impeachment, biyudo pinatay ng mag-pinsan

STO. DOMINGO, Albay – Isang biyudo ang iniulat na nasawi makaraang pagtatagain ng mag-pinsan dahil sa pagtatalo sa impeachment trial, kamakalawa ng madaling araw sa Brgy. Salvacion ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Edgardo Esayos, 44, magsasaka at residente ng naturang brgy.

Samantala, ang mga suspek na ngayon ay tinutugis ay nakilalang sina Romeo, 35, at Thomas Balana, 38, pawang naninirahan sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas 3:50 ng madaling araw sa bahay ni Esayos.

Magkasamang nag-iinuman umano ang biktima at mag-pinsan nang magtalo sa impeachment trial.

Dahil sa pawang mga lango na sa alak ang biktima at mga suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hinggil sa nasabing isyu kaya nauwi ito sa pananaksak. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments