Birthday party hinagisan ng granada: 3 katao sugatan

SORSOGON, Sorsogon– Nabahiran ng dugo ang masayang birthday party matapos malubhang nasugatan ang tatlong katao nang hagisan ng granada ng isang traysikel driver na hindi naimbita sa nasabing okasyon kamakalawa ng gabi sa bayang ito.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Ramel Frayna, Fatima Hilaan at Lydia Solomon na residente ng Barangay Macabog na nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Samantala ang suspek na agad naaresto ay nakilalang si Jazareno Madrigal, 35, may-asawa, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, dakong alas 11:00 ng gabi ay masayang nagkakantahan at nag-iinuman ang mga biktima dahil sa kaarawan ng anak ni Solomon.

Dumating ang lasing na suspek sakay ng kanyang traysikel at huminto sa bahay ng mga biktima at inihagis ang granada.

Pagkatapos ay mabilis itong tumakas subalit pagkalipas ng ilang oras ay nahuli din ito sa isinagawang follow-up operation ng pulisya. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments