Dating CAFGU inutas sa harap ng misis

TINAMBAC, Camarines Sur – Isang dating miyembro ng CAFGU ang pinagbabaril sa harapan ng kanyang asawa ng mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Lupi kamakalawa ng gabi.

Ang nasawi ay nakilalang si Edgardo Vale, 45, may asawa, magsasaka at residente ng Barangay San Juan Bautista, Goa ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-8:00 ng gabi habang ang mag-asawa ay magkasama na naglalakad pauwi sa bahay ng kanyang mga magulang.

Hinarang ng walong mga kabataan na rebelde na may edad na 17-20 anyos na pawang armado ng M-16 at M-14 rifle ang mag-asawa.

Ayon sa asawa ng biktima na si Mrs. Martin Vale, agad tinalian ang mga kamay at piniringan ang mata ng kanyang asawa bago ito pinagbabaril sa kanyang harapan na agad nitong ikinamatay.

Matapos ang ginawang pamamaril ng mga rebelde ay mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng bulunduking lugar ng naturang barangay. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments