3 gobernador nakaupo sa Cordillera

TABUK, Kalinga – May tatlong gobernador na nakaupo sa central Cordillera province.

Dahil dito, lalong umiigting ang tensyon sa nabanggit na lalawigan, marahil dahil sa kalituhan ng mga residente dito kung sino sa tatlong gobernador ang lehitimo.

Kaugnay nito, may 100 miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng mga tauhan ng Phil. Army ang siya ngayong nagbibigay ng seguridad sa provincial capitol habang ang tatlong claimants ay patuloy na nag-oopisina sa dalawang palapag ng capitol building kasama ang kani-kanilang mga armadong bodyguards.

Ang political crisis dito ay nagsimula ng si incumbent Gov. Dominador Belac ay masuspinde noong nakalipas na Disyembre 6 sa loob ng apat na buwan sa kasong direct assault with less physical injuries.

Dahil dito, si Vice-gov. Josel Baac ang siya dapat na mauupo sa bisa ng law of succession.

Gayunman, bago pa tuluyang maupo si Baac, ang puwesto ng pagka-gobernador ay pinagtatalunan ni Belac at dating Judge Rommel Diasen.

Nauna nang nagharap ng electoral protest si Diasen sa COMELEC. Sinasabing ito ay nadisisyunan na noong nakalipas na Nobyembre 16 na umano’y nagpoproklama kay Diasen bilang na-elect na gobernador.
Dahil dito, inutusan ng COMELEC si Belac na bumaba sa puwesto at iturn-over ang pagka-gobernador kay Diasen.

Tumanggi naman si Belac na bumaba sa poder at noong nakalipas na Nobyembre 20, nagharap ito ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling na pigilan si Diasen na maupo sa puwesto.

Sa kabilang banda, sinabi ni Belac na wala namang karapatan maupo bilang acting-gov. si Vice-governor Baac hanggat hindi nadidisisyunan ng Korte Suprema ang kanyang petisyon na humihingi ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa kanyang suspensyon na nagkaroon ng epektibo noong Disyembre 6.

Si Belac ay sinuspinde ng Mataas na Hukuman dahil sa kasong direct assault with less physical injuries na iniharap naman ng isang Engr. Ruben Dugiis.

Si Belac na nag-oopisina sa ikalawang palapag ng capitol building ay naglagay sa kanyang pintuan ng sign na ‘The Real Governor’, habang si Diasen na umuokupa naman sa kalahati ng unang palapag ay naglagay ng sign sa kanyang pintuan ng ‘The True Governor’, habang si Baac naman ay umuokupa sa kalahati rin ng unang palapag.

Ang tatlong gobernador na nabanggit ay pawang may kanya-kanyang mga armadong bodyguards, habang ang kani-kanila ring mga supporters ay nagpipiket sa labas ng kapitolyo. (Ulat ni Charlie Lagasca)

Show comments