Batay sa ipinarating na ulat sa Provincial Disaster Coordinating Council, umaabot sa 6 na katao ang nasawi sa bayan ng Paracale, Camarines Norte. Tatlo dito ay natabunan sa pagguho ng lupa, ang mga ito ay ang mag-iinang sina Nemia Velasco, 38 at mga anak na sina Clarrisa, 10 at Catherine, 7.
Samantalang tatlo rin ang namatay sa Barangay Gumaus dahil sa biglaang pagtaas ng tubig-baha. Ito ay nakilalang sina Juanito Villaespen, 68; Larry Villarda, 28 at Boy Balaquer, 40.
Habang nawawala naman si Alejendro Paming.
Sa bayan naman ng Mercedes, tatlo rin ang napaulat na namatay at kasalukuyang inaalam ang mga pangalan ng mga ito.
Nabatid na nagsimula ang pagbuhos ng malakas na pag-ulan kamakalawa ng madaling araw dala ng nabanggit na bagyo. Umabot sa limang talampakan ang taas ng baha, dahilan upang daan-daang pamilya ang sinasabing nawalan ng tahanan.
Ikinadismaya rin ng mga residente ang mabagal na pagkilos ng pamahalaang lokal at ng pamahalaang panlalawigan sa pagsagip sa mga naapektuhang pamilya.
Malaki ang hinala ng ilang kritiko na ang patuloy na pagputol ng mga punongkahoy sa kagubatan ang sanhi ng biglang pagtaas ng tubig-baha. (Ulat ni Francis Elevado)