Binata nabundol na, binaril pa ng adik

Isang umano’y shabu user ang nakabundol sa isang binata na sa halip na tulungan ang kanyang nabundol ay binaril pa ito, kamakalawa ng gabi sa Cotabato City.

Ayon sa ulat na tinanggap ng Camp Crame, ang naarestong suspect ay si Alandanim Ibrahim, 28, nakatira sa Barangay Malagapas, Cotabato City.

Kasalukuyan namang ginagamot sa Cotabato City General Hospital ang biktimang si Samanudin Dampak, 20, binata , residente ng Alonzo St., ng nasabing lunsod.

Batay sa ulat, dakong alas-8:15 kamakalawa ng gabi ng maganap ang insidente. Papatawid ang biktima sa kanto ng Alonzo at Rufino Sts. nang mabundol ito ng suspect na noon ay lulan sa isang motorsiklo. Tumilapon ang biktima dahil sa lakas ng bundol pero sa halip na tulungan ng suspect ang kanyang nabundol ay binunot pa nito ang dalang kalibre .45 pistola at saka pinaputukan ang biktima na tinamaan sa hita.(Ulat ni Rudy Andal)

Show comments