Nakilala ang nasawing mag-iina na sina Nemia Velasco Carillo, 26 at ang dalawang anak nito na si Catherine , 10 at Carissa, 7, pawang residente sa naturang lugar.
Samantala ang asawa at isang anak ni Nemia ay masuwerteng nakaligtas sa kamatayan.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang trahedya sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling araw kahapon sa gitna nang malakas na pagbuhos ng ulan sa Kabikulan dala ng bagyong si Ulpiang.
Napag-alaman na ang mga biktima ay kasalukuyang natutulog sa kanilang bahay ng ang isang malaking bahagi ng bundok sa likuran ng bahay ay bumigay at tumabon sa bahay ng mga biktima.
Ayon sa asawa ng biktima na hindi binanggit ang pangalan na bago ang insidente ay nakarinig siya ng malakas na dagundong kaya agad siyang lumabas ng bahay dala ang anak nilang lalaki.
Hindi na umano niya nakuhang gisingin ang kanyang mag-iina dahil sa bilis ng pangyayari.
Dakong alas-6 na ng umaga kahapon ng isagawa ang rescue operation para makuha ang bangkay ng mga nasawi .
Nabatid pa na may 500 katao ang kasalukuyan na nasa evacuation center sa ibat-ibang paaralan ng naturang bayan sanhi ng malakas na pag-ulan na dala ng bagyong si Ulpiang. (Ulat ni Ed Casulla)