Erap di bababa sa puwesto - Pimentel

Bagama’t kabi-kabila at sunud-sunod ang mga protesta, naniniwala ang Senado na hindi magbibitiw si Pangulong Joseph Estrada sa puwesto.

Ito ang sinabi ni Senate President Aquilino Pimentel sa kanyang pagsasalita sa Xavier University-Ateneo de Cagayan kahapon.

Ayon kay Pimentel, malabong magbitiw si Estrada sa puwesto kahit pa magsagawa ng araw-araw na pag-aaklas ang mga oposisyon at militanteng grupo.

Naniniwala din ito na magiging matatag ang Pangulo sa pagharap sa apat na articles of impeachment na isinampa sa kanya ng House of Representatives.

Nauna rito, ay sunud-sunod ang mga nangyayaring pag-aaklas ng mga militante, estudyante at iba pang grupo na humihingi ng pagbibitiw ni Estrada sa paniniwalang hindi na nito kayang pamunuan ang bansa.

Sinabi ni Pimentel na tanging ang impeachment trial lamang ang natatanging paraan upang mapatunayan kung may kasalanan o wala ang Pangulo. Ito rin ang paraan na nakasaad sa Konstitusyon at pinahihintulutan ng batas.

Aniya, ang pagtatapos ng impeachment trial ay pagtatapos din ng krisis sa pulitika na kinakaharap ng bansa.

Matapos na magsumite ng sagot ang magkabilang panig ay sisimulan na sa Disyembre 7 ang pagdinig sa impeachment case. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments