Nakilala ang nasawi na si John Hanver, may-ari ng Thunderstruck Rock and Roll Emporium bar na nasa Fields Avenue malapit sa Clark. Samantalang sugatan naman ang kanyang kasintahan na si Mylene Tuniaco.
Base sa ulat, lulan ang dalawa sa isang motorsiklong Honda dakong alas-12:25 ng madaling araw. Pagdating nila sa panulukan ng Malabanias at Elvira Street ay bigla na lamang silang tinabihan ng isang kotseng pula at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng baril ng mga suspect.
Binanggit pa sa ulat na pauwi na noon ang mga biktima sa bahay ni Hanver sa 110 Quezon St. , Josefaville Subdivision sa nabanggit na barangay ng maganap ang pananambang.
Napag-alaman pa na ang dayuhan ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan at namatay noon din, habang si Tuniaco ay nagtamo ng tama sa kanyang kaliwang braso at ngayon ay ginagamot sa isang ospital sa Angeles City.
Labing-apat na empty shells ng M-16 armalite rifle ang narekober ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Hindi pa matiyak ng pulisya kung ano ang motibo sa isinagawang pananambang sa dayuhan na kilala ring philantropist sa naturang lugar.
Nabatid na kamakailan lamang ito ay nagkaloob ng halagang P100,000 para sa local foundation na sumusuporta sa karapatan ng mga kababaihan. (Ulat ni Ding Cervantes)