Kasabay nito, nabatid na ang mga kidnappers na sinasabing konektado sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay sinasabing humihingi ng P 5 milyon ransom kapalit ng kalayaan ng biktimang si Enrico Pelaez, managing director ng Mindanao Development Bank (MDB).
Isang grupo pa umano ng mga suspect ang humihingi naman ng halagang P100,000.00 para sa kalayaan ni Anne Rachel Valmoria, Nurse sa Cagayan de Oro Medical Center na iniulat na nawala noong nakalipas na Nobyembre 19.
Ayon kay Col. Hilario Atendido, tagapag-salita ng AFP Southern Command na tinutukoy ng military intelligence ang eksaktong lugar na pinagdalhan sa mga bihag sa lalawigan ng Lanao.
Inalerto na umano ang kanilang tropa sa Cagayan at Lanao para tumulong sa mga elemento ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), National Bureau of Investigation (NBI) at local police para sa madaliang paglutas sa dalawang insidente ng kidnap.
Magugunitang si Pelaez ay lulan ng kanyang Tamaraw FX pauwi sa kanilang bahay nang harangin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Gusa, Cagayan de Oro City noong nakalipas na Nobyembre 23, dakong alas- 9:15 ng gabi. (Ulat ni Roel Pareño)