3 katao grabe sa bundol ng kotse

TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Isang pamilya na kinabibilangan ng isang anim na taong gulang na bata ang nasa malubhang kalagayan sa Andres Bonifacio Memorial Hospital makaraang araruhin ng isang Toyota Corolla ang sinasakyan nilang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Indang Trece Road Barangay Inocencio ng lungsod na ito.

Ang mga biktima na ngayon ay nasa kritikal na kalagayan ay nakilalang sina Ariel, asawa nitong si Imelda at anak na si Erjhon Cuadra, 6 at residente ng nabanggit na barangay.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Edgardo Lontoc may hawak ng kaso, dakong alas-8:00 ng gabi habang lulan ang mga biktima ng isang motorsiklo patungo sa kanilang tahanan mula sa kalapit na barangay.

Pagsapit umano sa nabanggit na lugar ay sinalubong sila ng isang Toyoto Corolla na minamaneho ni Norodon Magtubay, 44, ng Block 23 Lot 18 Regina Ville 2000 ng nabanggit na barangay. Napag-alaman sa pulisya na nasa impluwensiya ng alak ang suspek kayat di nito nagawang makaiwas sa sasakyan ng mga biktima matapos na masilaw sa ilaw ng ilang sasakyan. (Ulat ni Mading Sarmiento)

Show comments