Sa pagpapatuloy ng operasyon, nahukay na rin kamakalawa dakong alas-5:00 ng hapon ang bangkay ng apat na mag-aaral na nagsisimulang maagnas habang patuloy ang paghahanap sa pito pang bata na pawang natabunan ng gumuhong bundok.
Kinilala ang mga narekober na bangkay na sina Jumar Bruno, Dencio Apalit, Fernando Basang at Delmar Apilit.
Ang apat na bangkay na nagsisimula ng maagnas ay positibong kinilala ng kanilang mga pamilya na may ilang araw na rin nakaantabay sa isinasagawang ‘search and retrieval operations’ sa lugar na pinangyarihan ng malagim na insidente.
Magugunita na 11 elementary pupil ang natabunan ng buhay habang apat pa ang malubhang nasugatan ng gumuho ang dalawang bundok na nakapagitan sa kalsadang pinaglalakaran ng mga biktima habang papauwi ang mga ito sa kanilang tahanan galing sa eskuwela. (Ulat ni Joy Cantos)