Ari ng rapist sinipa ng student kaya nakaligtas

PAGBILAO, Quezon – Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang 13 anyos na estudyanteng babae matapos na sipain nito sa ari ang kanyang kapitbahay na nagtangkang humalay sa kanya kamakalawa ng tanghali sa Barangay Pinagbayanan ng bayang ito.

Kinilala ni Chief Inspector Vilmar Manzano, chief of police sa bayang ito ang biktimang si Mirla Merle, 1st year high school at residente ng Margarita Subdivision sa naturang barangay.

Samantalang ang suspek na ngayon ay nakakulong sa municipal jail ay nakilalang si Arnel Tinamisan, 20, kapitbahay ng biktima.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng womens desk section, na dakong alas-12:30 ng tanghali ay naglalakad ang biktima upang pumasok sa eskuwelahan ng ito ay abangan ng suspek na noon ay nakasuot ng maskara.

Mabilis umanong tinakpan ng suspek ang bibig ng biktima at kinaladkad sa isang damuhan bago inutusan ang huli na humiga subalit tumanggi ang biktima.

Dahil sa inis ng suspek ay sinuntok nito sa mukha ang biktima gayunman ay ipinagpatuloy ng huli ang paglaban sa suspek hanggang sa kanyang sinipa ang ari ng suspek.

Habang namimilipit sa sakit ay sinamantala ng biktima ang tumakas at nagsuplong sa mga awtoridad na nagresulta sa mabilis na pagkaaresto sa suspek. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments