11 elementary pupil nalibing nang buhay

Labing-isang estudyante sa elementarya ang pinaniniwalaang nalibing ng buhay habang tatlo pang survivors ang malubhang nasugatan makaraang gumuho ang malaking bahagi ng dalawang magkalapit na bundok sa naganap na landslide sa Brgy. Tuyangan, Kabugao, Apayao kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nakaligtas na biktima na sina Emy Bruno, Jim Bruno at Taluto Apalit na nagtamo ng mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang mga natabunan ng gumuhong bundok at milagro na lamang makaligtas ng buhay ay nakilala namang sina Benigno Sawiran, Gerardo Basang, Fernan Basang, Revelyn Basang, Delmar Apali, Istud Sinag, Junde Basang, Geralyn Basang, Dencio Apalit, Debub Apalit at Jonard Bruno.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon na dakong alas-4:00 ng hapon ang mga biktima ay kasalukuyang pauwi na sa kanilang tahanan galing sa eskuwelahan ng aksidenteng sabay na gumuho ang lupa sa dalawang bundok sa pagitan ng kalsadang pinaglalakaran ng mga ito.

Sinabi ng mga survivors na nakarinig sila ng malakas na dagundong at sinundan ng pagbabagsakan ng lupa na may kasamang malalaking tipak na bato.

Hindi na umano nila nagawang saklolohan ang mga kasamahan nilang estudyante na tuluyang nilamon ng lupa at hanggang ngayo’y patuloy na pinaghahanap.

Napag-alaman na lumambot ang lupa sa nasabing mga bundok bunga ng mga pag-ulan nitong nakalipas na araw na siyang pinaniniwalaang sanhi ng landslide.

Lumikha rin ng lalim ng tubig na 50 metrong taas sa dam ng Apayao River ang naturang landslide na nakaapekto sa normal na daloy ng tubig sa Apayao River.

Patuloy ang isinagawang search and rescue operations upang hanapin ang mga nawawalang biktima sa pag-asang may makikita pang buhay sa mga ito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments