Trike driver inutas ang pinsan

DASMARIÑAS, Cavite – Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 31-anyos na lalaki, makaraan itong saksakin ng limang beses sa katawan at paluin ng bakal sa ulo ng pinsan dahil lamang sa isang tampuhan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Salawag ng bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si Dandy Pacite, may asawa, isang tricycle driver at residente ng Blk. 25, Lot 30 Golden City Subd. ng nasabing lugar.

Samantalang ang suspek na mabilis na nasakote ng pulisya ay nakilalang si Herson Delgado Jr., 27-anyos, karpintero, pinsan at kasama sa bahay ng biktima.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Cornelio Bugayong, dakong alas-8:30 ng gabi ay kararating lamang ng biktima buhat sa pamamasada ng tricycle ng sugurin agad ito ng suspek na may dalang bakal at kitchen knife.

Mabilis nitong pinaghahataw ng dalang tubo ang biktima at kahit may tama ay mabilis itong nakatakbo subalit hinabol pa rin ng suspek at pinagsasaksak.

Natigil lamang ang panananaksak sa biktima ng dumating ang kapitbahay na pulis at hinuli ang suspek. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments