Kinilala ni Chief Superintendent Manuel Raval, Central Mindanao PNP director ang nasawing radioman na si Cezar Palaca Lagare, Station Manager ng RPN-DXDX at presidente ng KBP Gensan, residente ng Purok San Vicente, Brgy. Lagao, General Santos City at isang Purok chairman sa kanilang lugar.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-4:30 ng hapon ng matagpuan ng mga residente sa nabanggit na lugar ang biktima na nakabitin sa isang punong kahoy malapit lamang sa kanyang tinitirhang bahay.
Sa salaysay ng mga kamag-anakan, ang dahilan ng pagkamatay ng biktima ay di na umano makayanan nito ang sakit na acute ulcer. Mula ng lumabas sa ospital ang biktima ay palagi na lamang itong iritable at palaging inirereklamo ang kanyang dinaranas na sakit.
Madaling araw noong Nobyembre 1 ng taong ito ay inutusan nito ang kanyang pamangkin na bumili ng gamot dahil sumasakit na naman umano ang kanyang sikmura pagkatapos inumin ang nasabing gamot ay lumabas ito ng bahay at pumasok sa trabaho.
Dakong tanghali ay bumalik ito sa kanyang bahay at nanood pa ng telebisyon at pagkatapos ng panonood ay lumabas naman ito ng bahay at dakong hapon ay nakita na lamang na nakabitin na ito sa isang punong kahoy at wala ng buhay. (Ulat ni Teng Garcia)