Mag-utol na pulis, NPA rebels todas sa sagupaan

KAMPO ALEJO SANTOS, Bulacan – Isang pinaniniwalaang NPA kumander at mag-utol na miyembro ng Philippine National Police ang iniulat na nasawi habang isa naman ang malubhang nasugatan matapos ang isang engkuwentro sa isang lugar sa Barangay Tabuk, Angat, Bulacan, kamakalawa ng hapon.

Napatay sa pinangyarihan ng sagupaan ang magkapatid na sina PO2 Willy de Mesa at PO1 Edwin de Mesa, bunga ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan, samantalang, sugatan naman ang isang Ferdinand de Mesa na umano’y asset at kapatid ng mga nasawi.

Habang ang rebelde ay nakilalang si Domingo de Leon, alyas Ka Jerome na sinasabing lider ng NPA Eastern Group Command dahil sa mga tinamong tama ng mga bala sa katawan.

Sa ulat na tinanggap ni P/Supt. Edgardo Tinio, hepe ng Bulacan PNP Intelligence and Investigation Group, nabatid na ang sagupaan ay naganap dakong alas-5 ng hapon makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba na may grupo ng mga NPA na nagtatago sa bahay ng isang Domingo Santos sa nabanggit na lugar.

Kaagad na bumuo ng team ang mga awtoridad at pinuntahan ang sinasabing lugar na pinagtataguan ng grupo ng mga NPA. Subalit bago sila nakalapit sa nasabing bahay ay pinaputukan agad ng mga NPA.

Gumanti ang mga awtoridad at nakipagpalitan ng putok na nagresulta naman sa pagkamatay ng kasama nilang dalawang pulis at ng nabanggit na NPA kumander.

Nakasamsam ang mga operatiba sa kinaganapan ng engkuwentro ang isang .45 caliber pistol, isang M16 armalite rifle, dalawang rifle grenades, mga granada, hand-held-radio at antenna, iba’t ibang mga magazine ng mga baril, mga subersibong dokumento at mga tirang pagkain bago ang mga ito ay magsitakas. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments