Ito ang nabatid ng Pilipino Star Ngayon (PSN) kahapon matapos masaksihan ang mismong ginagawang jueteng bet collections sa bayang ito.
Subalit sa halip na 3 bola sa loob ng isang araw, ang jueteng dito ay naging "every other day" na umano ang bola ng nasabing number-game. Tumanggi naman ang bet collector na ihayag ang pangalan ng operator ng jueteng na patuloy sa operasyon sa kabila ng paghihigpit ng pulisya at pamahalaan.
Ayon sa source, hindi lamang sa bayang ito patuloy ang jueteng bet collections kundi maging sa iba pang bayan sa lalawigang ito.
"Pero hindi na ganoon karami ang tumataya ngayon sa jueteng dahil sa hindi naman agad binobola ito kundi kinabukasan pa kaya may hinala ang mga mananaya na baka nirerebisa muna ang taya bago nila ihayag kinabukasan ang tatama," wika pa ng isang residente.
Magugunita na limang hepe ng pulisya sa lalawigang ito ang sinibak ni Lacson dahil sa pagkabigo nilang masugpo ang jueteng operations sa kanilang nasasakupan.
Inatasan din ni Sec. Lim kamakailan ang lahat ng gobernador at alkalde sa buong bansa na sugpuin ang lahat ng uri ng sugal sa kanilang nasasakupan kabilang ang bingo 2-ball, on-line bingo, casino at jai-alai na ipinatigil ni Pangulong Estrada.
Magugunita na uminit ang jueteng matapos ibunyag kamakailan ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na siya ang nagsilbing bagman ni Pangulong Estrada sa sugal na ito mula noong Okt. 1998.
Inakusahan din ni Singson na kabilang sa mga malalaking operator ng jueteng sa Central Luzon ay ang mister ni Lubao Mayor Lilia Pineda na si Bong Pineda. (Ulat ni Rudy Andal)