Sa ulat na ipinarating ni Sr/Supt. Jilhani Nani, Regional Director ng Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) sa Camp Crame, ang biktima ay si Harbia Abrera, 29, guro ng Lamitan Elementary School. Pinaghahanap ng pulisya si Hasil Asmawil ng Brgy. Baas, Lamitan ng nasabing lalawigan upang mabawi ang biktima kasabay ng pagsasampa ng kasong kidnapping sa lalaki.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Lamitan, patungo si Abrera sa nasabing paaralan dakong alas-9:30 ng umaga nang biglang harangin ito ng suspek at sapilitang isinakay sa motorsiklo.
Ayon sa report, ilan taon nang masugid na nanliligaw si Asmawil kay Abrera ngunit hindi ito tinugon ng biktima kung kayat isinagawa ang planong pagtangay sa guro.
Napag-alaman din mula sa mga magulang ng biktima na noon lamang nakalipas na linggo ay tahasan nang ipinagtapat ng biktima na walang maaasahan ang suspek dito.
Bungsod nito ay pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ang pagtanggi sa pag-ibig ni Asmawil ang naging dahilan sa pagdukot nito sa nasabing guro.
Samantala, isang malawakang paghahanap ang isinasagawa ng pamunuan ng PNP-Lamitan upang mabawi sa suspek ang biktima. (Ulat ni Jhay Mejias)