Batay sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, dakong alas-5:05 ng umaga nang masunog ang nasabing barko na tumagal hanggang alas-9:10 ng umaga.
Ayon kay PCG Lcdr. Redempto Deligero, biglang nagliyab ang naturang barko sa hindi pa mabatid na dahilan na nagsanhi upang magkagulo ang mga pasahero at crew nito.
Hindi pa malinaw sa ulat kung ano ang pinagmulan ng sunog.
Binanggit pa sa ulat na bago pa man lumaki ang apoy ay mabilis na nakatawag ang crew ng barko sa mga tauhan ng Coast Guard kaya mabilis din ang isinagawang pagresponde at agad na nailipat ang mga pasahero nito.
Kabilang sa mga tumulong sa Coast Guard sa isinagawang search at rescue operations ay ang Supercat 7, Starlight Pacific, Penafrancia II, M/V San Jose, Princess Negros at SuperFerry V.
Kaugnay naman nito, posible umanong imbestigahan ang kapitan at mga crew ng barko dahil sa ulat na overloaded ito.
Ayon sa ulat, nagmula sa General Santos City patungong Pier 14 sa North Harbor Manila at mayroong nakalista sa manipesto nito na 862 pasahero.
Walang iniulat na nasaktan o nasawi sa mga pasahero at tripulante ng nasunog na barko. (Ulat nina E. Fernando, J. Cantos at D. Garcia)