Ayon kay Major Gen. Roy Cimatu, Commanding General ng 4th Infantry Divison (ID) ng Phil. Army, ang pagbaba ng puwersa ng MILF rebels sa Lanao del Sur at Lanao del Norte ay bunga ng pakikipagtulungan ng komunidad sa mga operatiba ng militar.
Kasabay nito, ibinulgar ni Cimatu na nagpadala sa kaniyang tanggapan ng "feelers" si MILF Chieftain Hashim Salamat na nagsasaad ng pakiusap ng rebel leader na huwag namang damihan ang pagpapasurender sa kaniyang mga tauhan bunga na rin ng di mapigilang pagdami ng mga miyembro ng MILF na gusto ng sumuko sa batas na nahihiwatigan na nito.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Cimatu ay daan-daan pang mga rebelde ang nakatakdang magbalik-loob sa batas kung saan ang pagsuko kamakalawa ng 609 MILF rebels ay bilang "pilot test" umano.
"Sana 500 lang ang susurender pero nung malaman nila (MILF) na darating si Pangulong Estrada para magbigay ng benefits ay nadagdagan ito ng mahigit pang 100", pahayag ni Cimatu.
Nabatid pa na ilan sa mga MILF rebels na nakabase sa lalawigan ng Maguindanao ay nagbabalak ring sumuko sa kaniyang tanggapan.
Hinggil pa rin sa shoot to kill order ni Salamat sa mga nagpaplanong sumuko at sumurender ng MILF rebels sa pamahalaan, sinabi ni Cimatu na nakahanda ang kaniyang tanggapan upang bigyan ang mga ito ng proteksiyon.
Kaugnay nito, inamin naman ni Brig. Ernesto Carolina, Chief ng 7th Infantry Division (ID) ng Phil. Army na nagsisilbi pa ring banta sa peace and order sa Davao ang mga rebeldeng MILF na nagpupumilit magkanlong sa naturang lugar. (Ulat ni Joy Cantos)