Kanong sangkot sa 'mail order bride' tugis ng BI

Isang Amerikano ang itinala ng Bureau of Immigration sa kanilang watchlist matapos makatanggap ng ulat na ito ay sangkot sa sindikato ng mail order bride.

Inatasan ni Immigration Commissioner Rufus Rodriguez na itala si William Mcknight sa watchlist makaraang hilingin ng Phil. Center on Transnational Crime (PCTC) na siyang nag-imbestiga at nagharap ng kaso laban dito.

Habang ang asawa nitong si Lilian Mcknight, isang Amerikana ay nakatakas na palabas ng bansa ilang linggo na ang nakakalipas.

Sa liham na ipinadala kay Rodriguez ni PNP Deputy Director General Leandro Mendoza, PCTC executive director, nakapagsumite si Mcknight ng motion to travel abroad sa Butuan RTC upang makasama ang asawa nitong si Lilian sa Amerika.

Sinabi ni Mendoza na hinihinala ng kanilang pamunuan na hindi na babalik si Mcknight ng bansa sa oras na makaalis ito.

Batay sa talaan, sina Mcknight kasama ang mga Pinoy na sina Rudelyn Uriarte at Elvina Mandap ay kinasuhan ng DOJ kaugnay sa negosyong mail-order-bride.

Isang James Kimber, isang Amerikano ang nagreklamo laban sa mag-asawang Mcknight makaraang makakuha ang mga ito ng halagang $25,000 sa pagpeke ng kasal nito sa kapatid ni Uriarte.

Nabatid umano ni Kimber na hindi nakarehistro ang kasal niya sa kapatid ni Uriarte noong Mayo 5, 1998. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments