MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Malacañang na walang diskusyon ng pagkakaroon ng reenacted budget para sa fiscal year 2025.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, na sa mga nakaraang dalawang pulong na kanyang dinaluhan ay wala namang napag-usapan tungkol sa reenacted budget.
Sinabi ni Chavez na kumonsulta si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. kay Executive Secretary Lucas Bersamin, sa economic cluster, at sa kalihim ng Department of Public Works and Highways kahapon ng umaga habang binubusisi ang proposed national budget para sa susunod na taon.
Dagdag niya, natanggap ang nakaimprentang kopya ng spending measure noong Biyernes ng hapon.
Matatandaan na pipirmahan na sana ni Marcos ang P6.352 trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon, subalit sinabi ni Bersamin na hindi na ito matutuloy para bigyan pa ng oras para sa masusing pagsusuri ng panukala.