MANILA, Philippines - Tiklo ang walong miyembro ng “acetylene gang†matapos naaktuhang naghuhukay ng tunnel patungo sa target nilang pawnshop kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Cecile Ibañez, 26; Ortiz Latungan, 48; Eric Secyang, 45; Arthur Bino, 26; Laurence Duyao, 38; Tarex Tayaban, 27; Ruben Sebnangen, 34; at Elmo Bustarde, 35; pawang mga minero at tubong Mountain Province at La Trinidad sa Benguet.
Nadakip ang mga suspek ng pinagsanib na tropa ng Criminal Investigation and Detection team sa pamumuno ni Police Chief Insp. Wilfredo Sy at ni Police Insp. Allan dela Cruz ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit at Police Regional Office ng Cordillera, matapos ang dalawang linggong surveillance.
Nabatid na nadakip ang mga suspek dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa loob ng inupahang apartment sa no. 3244 Villongco St., Brgy. Commonwealth.
Nabatid na kaya nadakip ang mga suspek dahil sa ikinanta sila sa planong pagnanakaw ng isa nilang kasama na unang naaresto ng Pasay City police.
Nagsagawa ng surveillance ang mga otoridad sa naturang lugar at makalipas ang dalawang linggong pagmanman sa kahabaan ng Villongco St. ay naispatan ang isa sa mga suspek na naglalakad sa naturang kalye.
Sikretong sinundan ng mga operatiba ang naturang suspek hanggang sa pumasok sa inuupahan nitong kuwarto.
Mula sa labas ay natanaw ng mga operatiba ang mga nakahilerang mga sako ng lupa hanggang sa makita din ang isang hukay sa loob.
Kaya agad na nilusob ng tropa ang apartment at nasakote ang mga suspek at nadiskubre ang isang malalim na hukay patungo sa katabing pawnshop na Ochoa Realica na pag-aari ng negosyanteng si Vincent Realica.
Narekober ng mga otoridad ang isang granada, isang hydraulic jack, dalawang hand drill, dalawang crowbar, isang head lamp, isang gasul na may burner, isang portable electric fan; at isang lampara.
Ayon sa isang Jenny Alvior, 42 na noong Nobyembre 21, 2013 ay umupa ang isang nagpakilalang Engineer Elmo sa kanyang apartment at nagsabi na dalawang tao lamang ang titira, subalit hindi nagtagal ay dumami na ang mga ito.
Ang mga suspek ay bihasa sa pagmimina sa kanilang lugar at sanay na maghukay sa lupa dahil sa paghahanap ng ginto.
Ang ganitong kaalaman at kakayahan ng mga suspek ay ginamit sa pagnanakaw sa mga sanglaan sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan sa pamamagitan ng paggawa ng tunnel patungo sa kanilang target.