MANILA, Philippines - Inaresto ng pulisya ang isang Chinese national makaraan na makumpiskahan ito ng sangkaterbang armas sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa bisinidad ng casino kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ang suspek sa pamamagitan ng nakuhang identification card na si Jerry Sy, 46-anyos.
Nakumpiska sa suspek ang sari-saring armas na kinabibilangan ng limang baril, silencers, dalawang anti-riot smoke grenade,tatlong granada, isang taser gun,iba’t ibang bala, martilyo, palakol, mga jungle knife,spike sa gulong ng kotse at stun gun. Isang pakete rin na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Sa imbestigasyon ng pulisya bago nakumpiska ang mga nasabing armas ay hinabol ng suspek ng saksak ang isang Tsinoy na si Joseph Ang, 58 na kustomer ng casino sa Aquino Joint ng Resorts World Manila.
Dito ay rumesponde ang mga pulis at nang habulin si Sy ay nalaglag ang magazine ng bitbit nitong baril hanggang sa makorner ito.
Nang inspeksyunin ang sasakyan ni Sy na puting Honda Accord (DL 5101) na nakaparada sa parking area ay natagpuan ang nasabing mga armas.
Hindi pa malinaw kung bakit pinagtangkaan ni Sy na patayin si Ang at inaalam rin kung miÂyembro ito ng isang sindikato at saan gagamitin ang nakumpiskang mga armas.
Ang suspek ay nahaharap sa patung-patong na kaso tulad ng frustrated homicide, illegal possession of firearms, ammunitions, explosives and deadly weapons at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakikipag-ugnayan rin ngayon ang pulisya sa Bureau of Immigration kung may legal na dokumento si Sy para makapasok sa bansa.