MANILA, Philippines - Nagpalabas ng freeze order ang Court of Appeals (CA) sa mga bank account ng 10 personalidad na kinasuhan ng plunder kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.
Sa 43-pahinang kaÂutusan na isinulat ni Associate Justice Manuel Barrios, ang sampung personalidad na freeze ang mga bank accounts ay sina Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile na tatlong buwang hindi magagalaw ang 38 bank account; Ruby Tuason, dating social secretary ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na hindi magagalaw ang 96 bank accounts; dating chief of staff ni Sen. Bong Revilla na si Richard Cambe; chief of staff ni Sen. Estrada na si Pauline Labayen; mga dating kongresista na sina Agusan Del Sur Rep. Rodolfo Plaza, Benguet Rep. Samuel Dangwa, Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula at APEC Party-list Rep. Edgar Valdez; chief of staff ni Rep. Dangwa na si Erwin Dangwa; at Jose Sumalpong na chief of staff ni Rep. Lanete at isinama pa sa kautusan ang mga miyembro ng kanilang pamilya.
Hindi naman kasama sa freeze order ng CA sina Enrile, Estrada at Revilla bagama’t kapwa rin sila nahaharap sa kasong plunder dahil ang nabanggit na 10 personalidad lamang ang kasama sa petisyong inihain ng Office of the Solicitor General (OSG).
Samantala, tiniyak ni Justice Secretary Leila De Lima na isasampa ngayong araw ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang pangalawang batch ng mga itinuturong sangkot sa multi-million peso pork barrel fund scam.
Ito’y matapos na mag-leak ang impormasyon ng 10 pangalan ng mga kakasuhan na solons.
Ang nasabing reklamo ay hiwalay pa sa 38 unang nasampahan kasama na ang plunder charges kina Enrile, Estrada at Revilla, maliban pa kay Janet Lim-Napoles.
Agad namang ibinunyag ni Atty. Levito Baligod, abogado ng whistleblowers na kapag naisampa na ang kaso sa 10 solons ay agad din na isusunod na sasampahan ng kaso ang 30 pang personalidad.