Koko pinalagan ang mataas na toll rates sa SLEX

MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni PDP Laban President Sen. Aqui­lino “Koko” Pimentel III ang hindi makatwirang napakataas na toll rates na kinokolekta sa South Luzon Expressway (SLEX)  na nagiging pabigat sa mga motorista sa katimugang Luzon at nakakaapekto sa aktibidades na pang-ekonomya ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at National Capitol Region.

“Nagtataka ako kung bakit mas mahal sa SLEX kumpara sa NLEX (North Luzon Expressway),”  ani Pimentel. “Halos doble ang taas sa toll rates ng SLEX sa NLEX na mas magaganda ang kalsada at pasilidad para sa mga motorista.”

Sa kalkulasyon, ang 88 kilometrong distansiya ng NLEX ay may toll rate na P195 samantalang ang SLEX ay sumisingil ng P192 sa 44.5 kilometrong distansiya.

Pinatatakbo ang SLEX Manila-Alabang at SLEX Alabang-Sto. Tomas ng dalawang kompanya sa ilalim ng  Build-Operate-Transfer (BOT) program ng gobyerno na gusto ka­agad mabawi ang puhunan mula sa mga motoristang umaasa sa nasabing mga lansangan para sa kanilang ikabubuhay.

Hiniling ni Pimentel na repasuhin ang kasalukuyang toll rates sa SLEX para maprotektahan ang interes ng mga motoris­ta at negosyanteng gina­ga­mit ang nasabing lansa­ngan sa kanilang kabuha­yan.

 

Show comments