MANILA, Philippines - Sugatan ngayong ginagamot sa Far Eastern University Hospital ang isang binatilyo makaraang tamaan ng ‘stray bullet’ nang magpaputok umano ng baril ang isang driver sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO2 Melvin Capili ng Talipapa Police Station, ang biktima na si Ej Quebec, 13-anyos ng #24 Ilang-ilang St., Pingkian 3, Brgy. Pag-asa sa lungsod.
Natukoy naman ang suspek na si Joseph Haldos, 42, may-asawa, driver at naninirahan din sa naturang lugar.
Sinasabing ang nanay ng biktima ang nakakita sa suspek na nagpaputok ng baril at sa hindi inaasahan ay tumama sa kanyang anak.
Nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-10:00 ng gabi malapit sa bahay ng biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang baril na kanyang ipinutok habang ang biktima ay mabilis na isinugod sa hospital dahil sa tama ng bala sa braso.
Maalalang naging kontrobersiyal ang ‘stray bullet’ na kumitil sa buhay ng isang pitong taong gulang na si Stephanie Nicole Ella na nangyari sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon.