MANILA, Philippines - Dalawang katao ang nasawi na kinabibilangan ng isang pulis sa magkakahiwalay na aksidente nang pagkabangga ng sasakyan ayon sa ulat ng pulisya.
Sa Navotas City, hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center dahil sa pinsala sa katawan at pagkabasag ng bungo ang biktimang si PO3 Edgardo Fernandez, 48, nakatalaga sa Northern Police District (NPD), residente ng Lot 37, Phase 2, Area 2, Barangay NBBS ng natuÂrang lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-12:30 ng madaling-araw ay minamaneho ni PO3 Fernandez ang kanyang motorsiklo (1473-N) at binabaybay ang kahaÂbaan ng Road 10, Barangay Northbay Boulevard South ng naturang siyudad nang bigla na lamang itong salpukin sa likuran ng hindi pa mabatid na sasakyan.
Sa lakas ng pagkasalpok ay tumilapon ang biktima na una ang ulo na bumagsak sa kalsada habang ang bumanggang sasakyan ay hindi huminto.
Ganito rin ang nangyari sa biktimang si Bernardo Fernandez, 50-anyos, residente ng #164 Congressional Avenue, Quezon City na namatay din habang dinadala sa Manila Central University matapos na mabundol ng isang sasakyan sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:45 ng umaga ay tumatawid ang biktima sa kahabaan ng EDSA AveÂnue, Monumento at hindi nito namalayan ang mabilis na pagdating ng bus at nasalpok ito. Hindi na huminto ang nakasagasang bus.