MANILA, Philippines - Nakahanda nang sampahan ng kaso ang isang pulis na nakumpiskahan ng droga at kapatid nito na tatakbong konsehal sa Pasay City makaraang harangin ang operasyon ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (SAID-SOTF) sa nasabing lungsod kamakalawa ng hapon.
Kasong paglabag sa R.A. 9165 Sec. 5, 11, at 26 ang isasampa laban kina PO1 Darwin “Denden” Cruzin, 37, nakatalaga sa Taguig City Police, residente ng 2300 Tramo St., Pasay City pati na ang nakatatandang kapatid nito na si Alvin Cruzin, dating pulis-Pasay na ngayon ay kandidatong konsehal sa lungsod.
Kakasuhan din ang kanilang kasama na si Paul Christian Grafil, 31, residente ng #1980 Tramo Street.
Batay sa ulat ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng SAID-SOTF, nagsagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan nang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang pot session sa panulukan ng Decena at Libertad Sts.
Nang ito ay puntahan ay kanilang inaresto si PO1 Darwin, subalit tinutulan naman ito ng kapatid ang ginagawang pag-aresto ng mga tauhan ng SAID-SOTF kaya’t humingi sila ng ‘back-up’ sa mga kasamahan nila sa Special Weapons and Tactics (SWAT) bago nadala ito sa kanilang tanggapan sa Pasay Police headquarters.
Samantala, nagbanta si Alvin na sasampahan ng kaso ang mga mamamahayag na maglalabas ng balita hinggil sa insidente.
Ayon sa kanya, walang naganap na pag-aresto sa kanila at hindi lamang sila nagkaintindihan ng mga pulis.
Samantala, may lumabas na impormasyon na sasampahan ng kampo ni Cruzin ang mga pulis na umaresto sa kanila.