MANILA, Philippines — Kinansela kahapon ng Games and Amusement Board (GAB) ang lisensya ni NorthPort guard John Amores.
Ito ay matapos makumpleto ng GAB ang kanilang imbestigasyon sa kinasangkutang shooting incident ni Amores at ng kapatid niyang si John Red noong Setyembre sa Lumban, Laguna.
“The respondent’s license is revoked effective immediately,” pahayag ng GAB sa kanilang inilabas na Case No. 109-4.
Ang six-page decision ay prmado nina chairman Francisco Rivera at Commissioners Manuel Plaza III at Angel Bautista.
Dahil dito ay hindi na papayagang maglaro ang 24-anyos na si Amores sa PBA at sa alinmang mga professional basketball league sa bansa.
Nauna nang sinuspinde ng PBA ang produkto ng Jose Rizal Heavy Bombers sa kabuuan ng kasalukuyang Season 49 Commissioner’s Cup nang walang suweldo.
Inutusan din siyang sumailalim sa counselling para sa kanyang “anger and violent tendencies.”
Unang nasangkot sa gulo si Amores sa NCAA Season 98 kung saan niya sinugod ang bench ng College of St. Benilde at pinagsusuntok ang mga nakitang Blazers players.
Dahil dito ay tinanggal siya sa Heavy Bombers.
Pinili siya ng NorthPort bilang No. 51 sa 2023 PBA Draft.