Pilipinas kumana ng 3 golds sa Hong Kong

MANILA, Philippines — Nagbulsa ang Pinoy tracksters ng limang medalya — tatlong ginto, isang pilak at isang tanso — sa 2024 Hong Kong Athletics Championships na ginanap sa Tsueng Kwan O Sports Ground sa Hong Kong.

Bumandera sa ratsada ng Team Philippines si Southeast Asian Games champion at Tokyo Olympics veteran Kristina Knott na sumiguro ng gintong medalya sa kanyang paboritong event.

Nagrehistro si Knott ng impresibong 11.52 segundo para masungkit ang unang puwesto sa women’s open 100m category.

Pinataob ni Knott sina Hong Kong bets Pui Kei Chan at Tsz Yuen Luo na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Nagsumite si Pui Kei ng 11.82 segundo habang may 11.86 segundo naman si Tsz Yuen.

Nagparamdam din ng lakas sina Lauren Hoffman at Hussein Lorana na namayagpag sa kani-kanyang kategorya.

Pinagreynahan ni Hoffman ang women’s open 400m hurdles kung saan inilagak nito ang bilis na 57.15 segundo para masiguro ang ginto,

Nasiguro ni Robyn Brown ang 1-2 finish para sa Pilipinas nang angkinin nito ang pilak na medalya sa kanyang naitalang oras na 57.59 segundo.

Pumangatlo si Ying Wen Ashleigh Ma ng Hong Kong na may 1:04.02.

Sa kabilang banda, namayagpag si Lorana sa men’s open 800m event kung saan naglista ito ng 1:52.11 para talunin ang 17 pang ibang atletang kalahok sa naturang dibisyon.

Sumiguro naman si Janry Ubas ng tanso nang lumundag ito ng 7.61m sa men’s long jump.

Show comments