MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na taon ay iginawad sa Hagdang Bato ang Horse of the Year award ng Philippine Tho-roughbred Owners and Breeders Organization Inc. (Philtobo) sa isinagawang Gintong Lahi Awards kamakailan sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Binigyang-tibay ng mga kasapi ng Philtobo ang isa pang dominanteng pagtakbo ng Hagdang Bato noong nakaraang taon matapos mangibabaw sa apat sa limang stakes races na sinalihan noong 2013 para igawad din ang parangal sa Older Horse category.
Kumabig ang super horse ng P5,550,004.00 para lumabas din bilang number one sa palakihan ng premyong napanalunan noong nakaraang taon.
Ang may-ari ng kabayo na si Mandalu-yong City Mayor Benhur Abalos ang siyang itinanghal bilang Horse Owner of the Year.
Bukod sa Hagdang Bato, kuminang din para kay Abalos ang mga kabayong Balbonic at Tiger Run na kampeon sa 3YO Filly at Sprinter para isantabi ang hamon ng iba pang horse owners sa pangunguna ni Hermie Esguerra, ang ginawaran ng titulo noong 2012.
Hindi naman nasayang ang magandang ipinakita rin ni Esguerra dahil siya ang kinilala bilang Breeder of the Year gamit ang pag-aaring Herma Farms.
Ang pag-aaring Ariba Amor na nagkampeon sa Sampaguita Stakes race ang lumabas bilang kampeon sa Older Filly habang ang Quaker Ridge ang Stallion of the Year.
Lumabas bilang pinakamahusay na hinete si Jeff Zarate habang si Ruben Tupas ang Trainer of the Year.
Ang iba pang pinara-ngalan ay ang Kid Molave at Up And Away sa 2YO Colts at Filly, Be Humble sa 3YO Colt at She’s No Princess bilang Broodmare of the Year. (AT)