La Viuda (60)­­ ­

NANGINGINIG sa malamig na marmol na sahig sina Kristina at Aling Pacing habang mahigpit na nakatali ang kanilang mga kamay sa likuran. Sa kanilang harap, nakatayo si Doña Presentacion na nakahawak sa kanyang tungkod, nanlilisik ang mga mata habang nakatitig sa dalawa.

“Ang lakas ng loob mong babae ka,” sabi ng Donya habang dahan-dahang lumalapit kay Kristina. “Matapos kitang pulutin sa pusali at patuluyin sa pamamahay na ito, nakipagsabwatan ka pa sa matandang muchacha na ito para itakas ang aking si Emilio!”

“Hindi siya si Emilio!” sigaw ni Kristina, nanlilisik ang mga mata sa matinding galit at pagkasuklam. “Siya si Andres! Isang inosenteng tao na ginawa mong bilanggo para lang sa sarili mong kahibangan! Nababaliw ka na, Donya!”

PAK! Isang malakas na sampal ang dumapo sa pis­ngi ni Kristina. Napaupo ito sa sahig. Iniharang niya ang mga braso upang protektahan ang tiyan sa mga gagawin pa ng donya.

“Huwag n’yo siyang sa­saktan! Nagdadalantao siya!” sigaw ni Aling Pacing habang inihaharang ang katawan sa harap ni Kristina.

Biglang napatigil si Doña Presentacion. Dahan-dahang bumaba ang kanyang paningin sa tiyan ni Kristina na pilit nitong tinatakpan. Napatitig din si Mang Teban sa dalaga, nanlaki ang mga mata ng manggagaway.

“Teban... naririnig mo ba iyon? Dugo ni Andres... ang dugo ng kawangis ni Emilio,” sabi ng donya at napati­ngin kay Kristina na puno ng kasakiman. “Kung hindi man bumalik ang ama... ang batang iyan ang magiging sagot sa lahat ng pangangailangan natin! Ikukulong kita rito hanggang sa mailuwal mo ang sanggol na iyan!”

“Hinding-hindi mo makukuha ang anak ko!” sigaw ni Kristina.

Bumaling si Doña Presentacion kay Lucio at sa mga armadong trabahador na nakapalibot sa bulwagan. “Dalhin ang dalawang ‘yan sa selda sa ilalim ng bodega! At ikaw, Andres, alam kong nakikinig ka sa kung saang sulok ng bahay na ito! Kapag hindi ka lumabas bago tumilaok ang manok sa madaling-araw... may masamang mangyayari sa ina mong hampaslupa!”

Sa ikalawang palapag, nakadikit ang taynga ni Ernesto sa pinto ng kanyang kuwarto. Nanginginig ang buo niyang katawan habang pinakikinggan ang malupit na banta ng ina mula sa ibaba. Napalingon siya sa ilalim ng kanyang kama kung saan nakagapos si Andres. Tatlong oras pa bago sumikat ang araw. (Itutuloy)

Show comments