La Viuda (27)

Makalipas ang ilang araw, tinupad ni Kristina ang kasunduan nila ni Natasha. Isang madaling araw, pumuslit papasok ng mansyon si Kristina at pumunta siya sa silid tulugan ni Natasha. Tahimik nilang binagtas ang bakuran patungo sa likod ng mansiyon.

Gamit ang susi, binuksan ni Kristina ang pinto ng bodega, isa-isang iniusog ang mga kaban ng bigas, at inangat ang nakatagong trapdoor sa sahig.

“Dito...” mahinang bulong ni Kristina habang hawak ang maliit na lampara.

Nanginig ang mga balikat ni Natasha sa amoy ng amag at kulob ng underground tunnel, ngunit ang matinding pagha­hangad na makita ang lalaking kawangis ni Mateo ang nagtulak sa kanya upang sumunod sa makipot na hagdanan.

Pagkarating nila sa mamasa-masang silid sa dulo ng tunnel, inilapit ni Kristina ang liwanag ng lampara sa lalaking nakagapos sa pader. Bumagsak ang panga ni Natasha. Napahawak siya sa kanyang bibig habang napaatras nang dalawang hakbang sa matinding gulat.

Naroroon si Andres, nakalugay ang buhok, duguang binti mula sa mabigat na kadena, at nanghihina sa gutom. Ngunit ang kanyang mukha ay ang mismong mukha ng namatay na tagapagmana na si Emilio Valderrama.

“Diyos ko...” nanginginig na usal ni Natasha, bagamat dahan-dahang napalitan ng isang madilim at matakaw na ngisi ang kanyang mukha. “Totoo nga... Buhay ang pabo­ritong anak ng Donya.”

“Hindi siya si Emilio, Natasha,” matigas na pagtatama ni Kristina habang pilit na humaharang sa tapat ni Andres. “Isang biktima lang siya na dinakip ng Donya.”

Tinitigan ni Natasha si Andres mula ulo hanggang paa, tila tinitimbang ang malaking halaga ng lalaking nasa harap niya.

“Hindi mahalaga kung sino talaga siya, Kristina... Ang mahalaga, ang mukhang ‘yan ang susi para makuha natin ang lahat ng ari-arian ng mga Valderrama.”

Kahit nanghihina, kinuwestiyon ni Andres ang presensiya ni Natasha.

“Kristina, sino siya at bakit mo siya kasama sa pagbisita sa akin dito?”

Nanlamig ang dugo ni Kristina habang nakatitig sa matakaw na mga mata ni Natasha. Naunawaan niya agad: hindi lang si Doña Presentacion at Mang Teban ang kaaway... may panibagong buwaya na gustong makinabang sa buhay ni Andres.

(Itutuloy)

Show comments