KINABUKASAN, maagang gumising si Hiyasmin at nagluto ng almusal.
Nagtataka si Dax dahil wala namang pasok si Hiyasmin dahil Sabado.
“Ba’t ang aga mong gumising Hiyasmin? Di ba kapag Sabado ay wala kang pasok?’’
“Opo Sir Dax. Hindi na po kasi ako makatulog.’’
“Ah dahil siguro magna cum laude ka? Ganyan talaga kapag masaya ang tao—hindi makatulog.’’
“Baka nga po.’’
“Ganyan din ako. Nung ma-promote ako sa trabaho, hindi rin ako makatulog, ha-ha-ha!’’
“Nakahiga lang po ako at nakapikit pero hindi ako dalawin ng antok.’’
“Talaga namang masisiyahan ka dahil magtatapos ka na may karangalan. Pagkaraan ng apat na taon na pag-aaral, nagbunga ang pagsisikap.”
“At malaki po ang nagawa mo kaya ako naging magna cum laude. Kung hindi sa iyo, hindi ako makakapag-aral at hindi mapaparangalan. Sa iyo ko po inihahandog ang medalya ko, Sir Dax.’’
“Thanks—pero ba’t hindi sa mama mo?’’
Napailing si Hiyasmin.
“Bakit ka napailing?’’
“Balak ko nga po na huwag ipaalam sa kanya na ga-graduate na ako. Gusto ko ilihim ang lahat.’’
“Hindi mo sasabihin na magna cum laude ka?’’
Umiling muli si Hiyasmin.
“Sabagay matagal pa naman bago ang graduation baka magbago pa ang pasya mo.’’
“Hindi ko po sasabihin kay Mama na ga-graduate ako,’’ sabing mariin ni Hiyasmin.
Napatango na lang si Dax bilang pagsang-ayon.
Itutuloy