Nakadama ng awa si Brent kay Leah. Ang naramdaman ni Leah noon ay naramdaman din niya. Magkapareho ang naranasan nila ni Leah. Iisa ang kanilang naranasan. Pinagtagpo ba talaga sila ni Leah?
Tumigil si Leah sa pag-iyak. Dumampot si Brent ng tissue paper na nasa ibabaw ng mesita. Iniabot kay Leah.
“Thanks, Brent. Pasensiya ka na. Iyakin talaga ako.’’
“Okey lang, Leah.’’
Pinahid ni Leah ang luha sa mga mata.
Pagkaraan ay nagpatuloy sa pagkukuwento ukol sa papa nito na nambabae habang ang mama niya ay nasa Hong Kong at nagtatrabaho bilang domestic helper. Nasa high school pa noon si Leah.
“May trabaho dati si Papa pero nang mag-abroad si Mama ay tumigil na sa pagtatrabaho at ang pambababae ang inasikaso. Bukod sa pambababae, nalulong din sa sugal si Papa.
“Narinig ko minsan ang pag-uusap nila ni Mama sa cell phone na humihingi pa ng dagdag na pera kay Mama. Kulang daw ang pinapadala. Marami raw binabayaran sa school at sa mga gastusin sa bahay. ‘Yun pala, ginagastos sa babae at sa sugal.
“Minsang tumawag sa akin si Mama, nahalata na matamlay ako. Ano raw problema ko. Bigla akong umiyak!’’
(Itutuloy)