Suklam (124)

“Malapit ka lang ba talaga rito, Brent?’’ tanong ng mama ni Leah na nagngangalang Perla.

“Opo. Diyan lang po ako sa dulo ng Jhocson, kanto ng Earnshaw.’’

“Ang lapit nga!’’

“Oo nga po kaya nga mabilis akong nakarating dito, ha-ha-ha! Wala pa pong kinse minutos.’’

“Sabi ni Leah, nagka­kilala kayo sa mall. Napulot mo raw ang wallet niya?’’

“Opo.”

“Mabuti naman at ikaw ang nakapulot. Kung iba baka pinag-interesan na.”

“Mabilis ko nga pong dinampot at ibinigay sa kanya.’’

“Tapos kuwento pa sa akin ni Leah, tatlong beses pa raw kayong nagkasalubong. Totoo ba, Brent?”

“Opo.’’

“Aba kakaiba ang nangyari sa inyong dalawa.’’

“Oo nga po. Kaya po inanyayahan ko na si Leah na magkape na kami.’’

“May pamahiin ka raw tungkol dun?’”

“Wala po. Joke ko lang yun. Gusto ko lang talagang makilala at makausap nang matagal si Leah. Kasi, pakiramdam ko, ang sarap niyang kasama.’’

“Mahiyain at tipid magsalita si Leah.’’

“Hindi naman po. Madaldal nga, ha-ha-ha! Enjoy ako!’’

“Salamat naman at nagkakilala kayo. Sana tumagal ang pagkikilala n’yo.’’

“’Yun din po ang dasal ko.’’

Napaumis ang mama ni Leah.

“Pareho po kayong maganda ni Leah.’’

“Dahil sa sinabi mo, lagi kang welcome dito, ha-ha-ha!”

Maya-maya lumapit si Leah na may dalang kape at cookies.

(Itutuloy)

Show comments