“Nagkamali ako nang patawarin ang nanay n’yo,’’ sabi ng tatay ni Brent.
“Naniwala ako sa pangako niya na hindi na uulit. Sana noong una siyang gumawa ng kasalanan sa akin e pinalayas ko na siya o kaya dinemanda ko para nakaganti ako. Pero naging mabait ako o naging uto-uto dahil naniwala sa pangako ng isang babaing makasalanan.’’
Nanatili lang nakatingin si Brent sa kanyang tatay. Hindi niya akalain na nakagawa na pala ng kasalanan ang kanyang nanay pero pinatawad lang ng kanyang tatay. Humanga muli siya sa kanyang tatay sapagkat kahit niyurakan na ang dangal ay nagpatawad pa rin. Binigyan pa ng isang pagkakataon ang isang nangalunya.
At gaya nga nang nasabi ng kanyang tatay, naging mahinahon siya dahil naisip ang magiging kalagayan ng dalawang anak. Kung nagpadala sa galit, baka kung nasaan na ngayon ang kanyang tatay. Kung napatay nito ang kalaguyo ng asawa, baka nasa kulungan pa siya at nagdurusa.
Isa lang ang masasabi niya sa kanyang tatay, napakabait at napaka-responsible na ama. Hindi sila pinabayaang magkapatid. Nagsakripisyo para magkaroon ng magandang kinabukasan. Bihira ang katulad ng kanyang tatay.
“Brent uulitin ko, payuhan mo ang iyong kaibigan. Sabihin mo, huwag na niyang tatanggapin pa ang kanyang asawa. Gawin mo akong halimbawa. Ikuwento mo ang mga nangyari sa akin.’’
“Opo Tatay.’’
Maagang pumasok sa opis si Brent. May tatapusin siyang imbentaryo. Dapat noong isang linggo pa natapos ang imbentaryo pero dahil sa nangyaring pagbibitiw ni Vivian, nasira ang flow ng mga trabaho. Si Vivian ang pumipirna sa mga bagong deliber na kagamitan at pati sa mga may depekto na ibabalik sa kompanyang gumawa.
Wala pang kapalit si Vivian. Hindi alam kung sino ang ipapalit. Iyon ang dahilan kaya maraming na-pending na trabaho. Natambak ang mga pipirmahan.
Dinala niya kay Mara ang mga pipirmahang dokumento. Si Mara ang secretary ni Vivian.
“Hi Mara, eto na yung for signature ng supervisor. May pipirma na ba?’’
“Ay walang kaalam-alam ang mama.’’
“Ano yung hindi ko alam?’’
(Itutuloy)