“Saan mo nakuha ang sulat, Magdalene?’’ tanong ni JC na nagtataka kung paano nagkaroon ng sulat si Mam Dioscora at naka-address sa kanya.
“Sa condo unit ni Mam, Kuya JC. Ipinalinis ko ang condo kahapon nang makita ng cleaner ang sulat sa ilalim ng kama—sa kutson.’’
“Nakasiksik sa kutson?’’
“Oo Kuya.’’
“Saan nakasulat?’’
“Sa isang pahina ng notebook. Nakatupi nang maayos at naninilaw na.’’
“Naninilaw? Ibig sabihin ay matagal nang nakasiksik sa kutson ang sulat?’’
“Oo Kuya?’’
“Paano mo naman nalaman na galing kay Mam ang sulat?’’
“Kilala ko ang sulat niya.’’
“Nakasulat ba ang pangalan ko sa ibabaw?’’
“Oo Kuya.’’
Namagitan sa kanila ang katahimikan. Mga isang minuto ang nakalipas bago nagsalita si Magdalene,
“Kailan mo kukunin itong sulat Kuya?’’
“A e mamayang hapon—dadaan ako diyan. Nariyan ka ba?’’
“Oo Kuya.’’
“Sige Magdalene. Salamat.’’
Nang maibaba ni JC ang phone ay malalim siyang nag-isip. Ano pa kaya ang hindi nasabi sa kanya ni Mam at sinulatan pa siya? Ano pa ang ipagtatapat niya?
Kinahapunan, dumaan siya sa bahay ni Mam. Nakaabang na si Madalene sa kanya.
“Eto ang sulat Kuya.’’
Inabot niya.
Pagkaraan ay umalis na rin agad siya.
Pagdating sa bahay, agad niyang binuksan ang sulat.
Hindi siya humihinga.
Bakit kinakabahan siya?
(Itutuloy)