Ang babaing hindi niya malilimutan
“Masyado na yata akong nagiging emosyonal, pasensiya ka na Jose Crisanto. Ganito na talaga siguro ang taong malapit nang lubugan ng araw,’’ sabing matalinhaga ni Tatay SP.
“Okey lang po, Tatay SP. Sa tingin ko naman po sa iyo ay hindi ka pa lulubugan ng araw. Napakasigla mo po.’’
“Salamat, Jose Crisanto. Nakakapagsalita kasi ako ng ganun kapag naaalala ko ang aking anak. Hindi ko maiwasan na maging emosyonal. Mayroon pa ngang mga sandali na habang inaalala ko ang aking anak ay tumutulo ang aking luha. Hindi ko mapigilan…’’
Muling tumigil si Tatay SP sa pagsasalita.
Nanatili namang nakatingin si JC sa matanda. Sa totoo lang, nasasabik siya sa inilalahad ni Tatay SP at gusto niyang malaman ang buong kuwento ng anak nito. At hindi rin naman malaman ni JC kung bakit siya kinakabahan—aywan niya—ngayon lamang siya nakadama ng ganitong klase ng kaba.
“Baka naaabala kita Jose Crisanto—may ginagawa ka pa yata. Tapusin mo ang ginagawa mo at aalis na ako.’’
“Tapos na po ang ginagawa ko Tatay SP. Nang dumating ka po kanina, tapos na ang isusumite kong proposal sa meeting.’’
“Ganun ba?’’
“Opo.’’
“Gusto ko kasing malaman mo ang story ng anak ko—na nahahawig sa’yo.’’
“Ano po ba ang name ng anak mo Tatay SP?’’
“Nicodemus.’’
(Itutuloy)