Kaibigan (198)

Galing sa loob ng ca­binet ang narinig na kaluskos ni Dex. Parang may bumangga sa pinto ng cabinet. Imposible namang daga ang may likha ng ingay. Malinis itong kuwarto ni Lara kaya tiyak niyang walang daga rito. Maaaring tao ang nasa loob ng cabinet at iyon ay walang iba kundi si Lara.

Nang makalapit na sa cabinet si Dex, nakiramdam muna siya. Gusto niyang makatiyak kung tao nga ang nasa loob ng cabinet. Hindi na naman na­ulit ang kaluskos. Maaaring na­ramdaman ang paglapit ni Dex kaya nag-ingat na makalikha muli ng ingay.

Balak ni Dex na biglang buksan ang cabinet para malaman na niya kung sino ang nasa loob. Pero nagdalawang-isip siya. Paano kung hindi pala si Lara ang nasa loob ng cabinet? Pa­ano kung ibang tao pala at may hawak na patalim at undayan siya ng saksak.

Hindi niya inaalis sa isip na maaaring may nakapasok na ibang tao sa room ni Lara at balak na magnakaw. Pi­nagbasehan niya kung bakit naisip iyon ay ang bukas na pinto. At isa pa, bakit bukas ang shower. Ang hindi lang niya maipaliwanag ay ang biglang pagbukas ng ilaw kanina. Sino ang nagbukas? Wala naman siyang nakitang nagbukas. Pero aywan din niya dahil madilim kanina. Naguguluhan siya.

Pinag-iisipan niya kung bubuksan ang cabinet. Nalilito siya sa gagawin.

Pero naisip ni Dex na dapat na siyang kumilos para malaman kung sino ang nasa loob. Kung patuloy pa siyang mag-uurong-sulong ay baka kung ano pa ang mangyari. Baka maunahan pa siya. Dapat na siyang magpasya.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang may kumaluskos muli sa loob ng cabinet. Parang may bumangga sa pintuan ng cabinet. Umuga ang pinto.

Iyon ang hinihintay na pagkakataon ni Dex. Bigla niyang binuksan ang pinto ng cabinet. Ubos-lakas!

Nang bumukas, hindi niya lubos aka­lain ang makikita sa loob ng cabinet.

(Itutuloy)

Show comments