Nakapasok sa bakuran ang tatlong lalaki sa pamamagitan ng pagsampa sa bakod. Nang nasa bakuran na, dahan-dahan ang mga ito na lumapit sa pinto. Nakikita naman ni Tikoy ang galaw ng tatlo. Nakasilip siya sa siwang ng bintana. Hawak ni Tikoy ang matigas na Batino.
Dinig na dinig ni Tikoy ang usapan ng tatlo:
‘‘Sigurado ba kayong may tao rito?’’
‘‘Sabi ng tipster, meron daw.’’
‘‘Ilan daw?’’
‘‘Hindi sinabi. Basta ang sabi meron.’’
‘‘Namputsa! Hindi pala sigurado.’’
‘‘Paanong gagawin natin ngayon?’’
‘‘Pasukin natin ang bahay!’’
‘‘Paano nga kung wala!’’
‘‘Kailangang masiguro muna natin kung may tao.’’
‘‘Paanong gagawin natin ngayon?’’
‘‘E di umuwi na tayo. Sabihin natin kay Bossing na walang tao.’’
‘‘Magagalit na ‘yun. Ilang gabi na tayo rito pero wala pa tayong naibabalita sa kanyang maganda.’’
‘‘E sa walang tao e anong gagawin natin?’’
‘‘Tayo na! Nilalamok na ako rito. Bukas na lang uli tayo bumalik.’’
Umalis ang tatlo.
Nakahinga nang maluwag si Tikoy.
Lumuwag ang hawak sa matigas na Batino.
Napaupo siya sa sahig. Bukas ay babalik uli ang tatlo.
Mabuti yata ay umalis na siya at magtungo sa Maynila gaya ng sinabi ni Drew.
Kinabukasan, ipinasya ni Tikoy na bisitahin ang taniman ng saging at niyog at saka siya aalis patungong Maynila. Kahit man lang iyon ay maibalita niya kay Drew.
Naglalakad na siya pauwi nang maramdaman na may sumusunod sa kanya. (Itutuloy)