Kumpirmado nang si Marianne nga ang nagsusuplay ng pako sa restaurant sa bayan ayon sa pagkukuwento ni Lola Ela kay Drew. Pero hindi nagpahalata si Drew sa matanda na nasusubaybayan na niya si Marianne. Naisip ni Drew na magpapatuloy siyang walang nalalaman kay Marianne. Gusto niyang may malaman pa siya ukol sa dalaga na ayon kay Lola Ela ay nag-iisa niyang apo.
‘‘Ano raw pong restawran ang pinagdadalhan ni Marianne ng pako, Lola Ela?’’
‘‘Restawran daw ng Intsik.’’
‘‘Bakit po siya nagdeliber ng pako sa restaurant?’’
‘‘Hindi ko alam. Basta ang sabi niya, hindi na siya magtitinda sa bangketa at sa restaurant na lamang magdadala ng pako.’’
Hindi na nagtanong si Drew. Baka makahalata ang matanda sa sunud-sunod niyang tanong. Ang mahalaga, nakumpirma niyang si Marianne nga ang nagsusuplay ng pako sa restaurant.
‘‘Naaawa nga ako sa aking apo. Siya ang nagpapasan ng hirap. Kung sana ay buhay pa ang kanyang lolo, hindi siya mahihirapan at baka tuluy-tuloy ang pag-aaral niya.’’
‘‘Nag-aaral po si Marianne, Lola Ela.’’
‘‘Oo. Pinag-aaral namin siya pero nang mamatay ang lolo niya, tumigil na dahil wala nang pantustos. Isa pa, kumalat ang virus kaya talagang napilitan na siyang huminto.’’
‘‘Nasa kolehiyo na po siya, Lola?’’
‘‘Oo. Malapit na nga siyang matapos.’’
‘‘Masipag po siyang mag-aral ?’’
‘‘Oo. Sabi niya pagnakatapos siya ipagpapagawa kami ng bahay ng lolo niya. Pero hindi na nga natupad…’’ tumigil sa pagsasalita ang matanda at nagpahid ng luha.
(Itutuloy)