Makalipas pa ang anim na buwan, buhay na buhay na at umuusbong na ang mga tinanim nina Drew at Tikoy. Tumatalbos na ang mga kawayan at ang mga tanim na langka, lanzones, cacao at iba pa ay nagsasanga. Gumagapang na rin ang mga ubas na tanim sa mga balag. Nagmimistula nang paraiso ang farm ni Drew.
Ang pampang ng sapa ay lalong naging berde sa mga nagsibol na talbos ng pako. Nakatulong sa pagyabong ng mga pako ang lilim na dulot ng mga kawayan. Sa tingin ni Drew ay lalong naging matibay ang pampang dahil sa mga itinanim nilang kawayan. Mga isang taon pa at lalo pang magiging kaaya-aya ang tanawin sa sapa. Lalo nang magiging masarap sa pakiramdam na parang nasa isang paraiso.
Mula nang mataniman ng mga kawayan ang pampang ng sapa, napansin ni Drew na lalo pang luminaw ang tubig. At isa pang napansin niya, dumami ang mga isda, kuhol, suso, tulya at iba pa sa sapa. Wala kasing naglalason sa sapa.
Isang mainit na tanghali, matapos magtabas ng mga damo sa puno ng saging, ipinasya ni Drew na pasyalan ang dulo ng sapa. Kahit kailan ay hindi pa niya nararating ang pinakadulo.
Inutusan niya sa Abayan si Tikoy para bumili ng kanilang suplay para sa isang linggo.
Sa mismong pampang siya nagdaan para madaling matunton ang dulo ng sapa. Pero namali siya ng daan dahil masukal pala ang bahaging iyon. Kailangan niyang bumaba.
Pagsapit niya sa ibaba, nagulat siya nang may marinig na lagaslas ng tubig sa ibaba.
Dahan-dahan siyang naglakad. Nang silipin niya kung ano ang dahilang nang lagaslas, nagulat siya. May naliligong babae!
Parang estatwa si Drew na hindi makakilos sa kinatatayuan.
(Itutuloy)