Monay (211)

Kinabukasan, gumising si Joem na naaamoy ang ­sinangag na kanin at tuyo. Galing kaya sa kapitbahay nilang si Aling Nita ang amoy na iyon. Bumangon siya at nagulat nang makitang nagsasangag ng kanin si Monay. Nakapagprito na rin ng tuyo.

“Ang sarap niyan, Monay! Saan ka kumuha ng tuyo?’’

“Bumili ako sa tindahan diyan sa katabi natin. Mabait pala ang tindera diyan. Nakipagkuwetuhan pa sa akin. Bumili na rin ako ng bigas at mantika, itlog at 3-in-1 coffee. Niluto ko na at eto ready na tayong mag-almusal. Halika na. Ipagtitimpla kita ng coffee.’’

Hangang-hanga si Joem sa asawa. Hindi siya makapaniwala na kayang-kaya nga pala ni Monay na mamuhay dito. Ito ang gustong buhay ni Monay. Kahit kayang-kaya nilang mamuhay nang ­marangya, mas gusto ni Monay sa lugar na ito.

“O ano pang pinagmumuni-muni mo riyan? Halika ka na.’’

“Ha? Oo, maghuhugas lang ako ng kamay. Masarap magkamay.’’

“Korek ka diyan.’’

Kumain sila ng almusal. Sunud-sunod ang subo ni Joem. An sarap ng fried rice ni Monay.

“Marunong ka palang magsangag ng kanin, Monay?’’

“Oo naman. High school pa lang marunong na ako.’’

“E di ba may maid kayo nun?’’

“Nag-aral akong magluto kahit papaano. Pati paglalaba marunong ako.’’

‘‘Suwerte ko talaga. Napakasuwerte.’’

Eksaktong natapos silang kumain, tumawag si Aling Nita. May dalang pagkain.

‘‘Tikman mo itong luto ko, Monay. Baka magustuhan mo.’’

“Salamat Aling Nita. Pasok ka po.’’

(Itutuloy)

Show comments