Madalas ka bang makaramdam ng pagod?

KUNG madalas kang makaranas ng pagod, o kaya’y sobrang pagkapagod, huwag balewalain sapagkat maaring­ sintomas ito ng ibang mga sakit na dapat gamutin.

Ang mga sumusunod ang karaniwang dahilan ng pagod:

1. Hindi maayos na pagkain o wala sa oras ang kain.

2. Kulang sa tulog.

3. Ang mga gamot tulad ng gamot sa kirot (pain relie­vers), gamot sa ubo, sipon, pang-allergy ay maaaring dahilan.

4. Dehydration o kakulangan sa tubig.

5. Mainit na panahon.

Ngunit ang pagod ay maaaring sintomas din ng ibang sakit tulad ng:

1. Anemia o mababang bilang ng red blood cell.

2. Cancer.

3. Low thyroid activity o mahina ang thyroid.

4. Diabetes.

5. Malalang impeksiyon.

6. Alcoholic.

7. Sakit sa puso.

8. Rheumatoid arthritis.

9. Problema sa pagtulog tulad ng paghilik at sleep apnea.

10. Electrolyte imbalance o pagiging mataas o mababa ang potassium at sodium sa dugo.

Subukan ang mga sumusunod na payo para maibsan ang pagod:

1. Magkaroon ng sapat na tulog, Kung maaari ay 7 hang­gang 8 oras na tulog na tuluy-tuloy.

2. Sundin and schedule ng pagtulog. Regular na ma­tulog­ at gumising sa parehong oras araw-araw

3. Bigyan ang sarili ng oras para mag-relax. Humingi­ ng tulong sa iba kung masyado nang marami ang trabaho.

4. Iorganisa ang pang-araw-araw na schedule. Unahin ang mas importante. Okay lang na hindi tapusin lahat.

5. Alamin ang mga bagay na nagdudulot ng stress. Bawasan o iwasan ito.

6. Subukang mag-ehersisyo sa umaga. Ang ehersisyo ay nagbibigay ng lakas.

7. Paramihin ang sariwang hangin sa iyong bahay at trabaho. Ang sariwang hangin ay nagbibigay ng lakas.

8. Balansehin ang kakainin. Isama rito ang pagkain nang maraming prutas, gulay at whole grain. Kumain ng masustansyang almusal. Huwag magpalipas ng gutom.

9. Kung sobrang sa timbang, magdiyeta pero gawin nang dahan-dahan. Iwasan ang sobrang pagbawas sa pagkain dahil baka ka manghina.

10. Uminom ng 8-10 basong tubig. Kung ang iyong ihi ay malinaw ang kulay, ibig sabihin ay sapat ang iniinom na tubig, ngunit kung sobrang dilaw kailangan mong uminom nang maraming tubig.

11. Tingnan ang mga gamot na iniinom. May mga gamot na ang side effect ay nagdudulot ng fatigue.

12. Itigil ang paninigarilyo sapagkat nagpapataas ito ng lebel ng pagod.

Show comments